𝐌𝐆𝐀 𝐌𝐀𝐆𝐒𝐀𝐒𝐀𝐊𝐀 𝐒𝐀 𝐍𝐎𝐑𝐓𝐇 𝐂𝐎𝐓𝐀𝐁𝐀𝐓𝐎 𝐍𝐀𝐊𝐀𝐊𝐔𝐇𝐀 𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐓𝐀𝐓𝐀𝐆 𝐍𝐀 𝐌𝐄𝐑𝐊𝐀𝐃𝐎 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐊𝐀𝐍𝐈𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐆𝐀 𝐏𝐑𝐎𝐃𝐔𝐊𝐓𝐎
Iniugnay kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magsasaka sa North Cotabato sa isang institutional buyer ng Cardava banana upang magkaroon sila ng siguradong mapagbebentahan ng kanilang mga produktong pang-agrikultural.
Iniugnay ng DAR ang Arakan River Irrigators Credit Cooperative (ARICCO) ng Naje, Arakan sa Liberty Fruits Inc., mula Mua-an Kidapawan City para direkta silang magsagawa ng collective marketing para sa kanilang mga sariwang ani ng saging ng cardava.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Charish Paña, sinanay ng DAR ang ARICCO bilang consolidator ng mga grupong mga magsasaging ng cardava mula sa mga barangay ng Naje, Malibatuan, atDoroluman, upang sama-sama nilang maibenta ang kanilang mga saging upang magkaroon ng makatarungan at mas makatwirang presyo para sa kanilang mga produkto.
“Pagkatapos ng mga serye ng konsultasyon at pagpaplano, kasama ang Arakan Municipal Agriculturist, nakapagsimula na ang ARICCO sa kanilang pagsubok na i-market ang naipong 8,890 kilo ng sariwang saging ng cardava,” aniya.
Sinabi ni Paña na patuloy na tutulungan ng DAR ang mga magsasaka na mapanatili ang kanilang gawain upang magkaroon sila ng matatag na pamilihan para sa kanilang ani at mapagbuti ang kanilang pamumuhay.
“Ang pag-uugnay sa kanila sa mga institusyunal na mga mamimili ay bahagi ng interbensyon ng suportang serbisyo ng DAR upang matulungang lumakas ang sektor ng agrikultura sa kanayunan,” aniya.



Ang kaganapan ay ipinatupad sa ilalim ng proyekto ng DAR na Linking Smallholder Farmers (LinkSFarmM) sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at mga pribadong grupo.







