
ITINUTURING na umanong mga suspek sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng dating Duterte administration sina Senator Ronald ‘Bato” Dela Rosa at 4 na dating opisyal ng Philippine National Police(PNP).
Ito ang isiniwalat ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa kaniyang X account kung saan ibinahagi niya ang diumanoy isang order mula sa Office of the Prosecutor ng ICC.
Bukod kay Sen. Bato, tinukoy rin daw sa dokumento sina dating PNP chief Oscar Albayalde, dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Romeo Caramat Jr., dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo, at dating PNP Intelligence Officer Eleazar Mata.
Nakasulat diumano sa naturang kautusan na mayroong basehan ang Office of the Prosecutor para paniwalaan na sangkot sa karumal-dumal na krimen ang nasabing mga retiradong PNP officials.
Sa panig naman ng Office of the Prosecutor Public Information Unit, sinabi nitong hindi magbibigay ng komento ang kanilang tanggapan sa anumang pahayag mula sa gobyerno o iba pang state representatives.
Nauna rito, sinabi ni Trillanes na galing ang dokumento mula sa sources na nakakaalam sa imbestigasyon ng ICC.
Batay sa rekord ng gobyerno, umaabot sa 6,200 drug individuals ang napatay sa kasagsagan ng operasyon ng PNP kontra sa iligal na droga pero ayon naman sa Human Rights organizations, maaaring mas mataas pa o nasa 30,000 ang nasawi dahil sa mga hindi naiulat na patayan sa drug war. E
#SEN.BATODELAROSA, #senbatodelarosa, #warondrugs

